BARANGAY DEL PILAR, CITY OF SAN FERNANDO, PAMPANGA
ANG LATEST SA KABATAANG DEL PILAR
DPBL AT DPVT 2026 OPENING CEREMONIES:
MAS MAINIT, MAS KAPANAPANABIK,
MAS MAKASAYSAYAN
Marso 22, 2026
Naging makapigil-hininga ang Opening Ceremonies ng Del Pilar Basketball League (DPBL) at Del Pilar Volleyball Tournament (DPVT) 2026, na nagtipon sa mga atleta, opisyal, at residente ng Barangay Del Pilar para sa opisyal na pagsisimula ng pinakahihintay na taunang palaro. Binuksan ang programa sa isang masiglang parada sa buong barangay na pinaingay ng The Orca's Tribe, na sinundan naman ng mga mensahe nina Barangay Captain Hon. Jerry Canlas at Atty. Nicolette Henson. Lalong nabuhay ang entablado sa kahanga-hangang production number ng Muses, mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, kasama ang Palut-Cabio Tribes at The MVD, pagkatapos ipakilala ang bawat koponan, manlalaro, at coaches. Nagdulot din ng matinding kasabikan ang pagdalo ni Former Board Member Mylyn Pineda-Cayabyab, kasama ang mga manlalaro ng Converge FiberXers na sina Calvin Abueva, Justine Baltazar, at Jonnel Policarpio, na sinalubong ng masiglang hiyawan at suporta ng mga manonood. Isa ring tampok sa programa ang pagkilala sa Inter-Barangay Basketball Team bilang pagpupugay sa kanilang ipinakitang husay sa pagdadala ng karangalan sa barangay. Pormal na binuksan ang kompetisyon sa pamamagitan ng closing remarks ni SK Chairperson Isen Roi Henson, panunumpa ng mga kalahok, at ceremonial lighting of the torch bilang sagisag ng patas na laban at sportsmanship. Nagtapos ang gabi sa isang makulay na fireworks display na lalong nagpasidhi sa pananabik ng mga kabataan para sa mga laban at kuwento ng tagumpay na hatid ng DPBL at DPVT 2026.
BATANG DEL PILAR,
NAGBAYANIHAN SA PAARALAN
Hunyo 4, 2026
Nakiisa ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Del Pilar, CSFP sa Brigada Eskwela 2026 mula Hunyo 1 hanggang 5 sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pintura, school supplies, at iba pang kagamitang kailangan ng Nuestra Señora Del Pilar Integrated School (NSDPIS) bilang paghahanda sa pagbubukas ng taong panuruan 2026–2027. Bilang suporta sa pagpapaunlad ng liderato ng kabataan, nagkaloob din ang konseho ng libreng uniporme para sa mga opisyal at miyembro ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG) ng paaralan. Ipinahayag ng SK Del Pilar ang patuloy nitong pakikiisa bilang aktibong katuwang ng paaralan upang matiyak ang matagumpay na pagbabalik-eskwela at maisulong ang maayos at dekalidad na edukasyon sa komunidad.
PA-FULL TANK NI SK SA
KABATAANG DUMISKARTE
Mayo 1, 2026
Bilang paggunita sa Araw ng Paggawa 2026, naglaan ng fuel subsidy ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Del Pilar, CSFP para sa 45 kabataang rider ng Food Panda, Maxim, at iba pang food delivery at ride-hailing services upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa pasada. Layunin ng programa na mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at kilalanin ang sipag, tiyaga, at dedikasyon ng mga kabataang manggagawa. Patuloy na isinusulong ng SK Del Pilar ang mga programang nagbibigay ng konkretong suporta at pagkilala sa mahalagang ambag ng kabataan sa lipunan.
TINAJERO FAITH, PARADEL, AT LIBIS JAMMERS,
WAGI SA DPBL 2026 CHAMPIONSHIP
Mayo 29, 2026
Matagumpay na nasungkit ng Tinajero Faith, Paradel, at Libis Jammers ang kampeonato sa kani-kanilang dibisyon sa Del Pilar Basketball League (DPBL) 2026 Championship matapos ang matitinding laban na nagpakita ng husay at determinasyon ng bawat manlalaro. Tinalo ng Tinajero Faith ang Flying A sa Midget Division, habang nanaig ang Paradel laban sa Pilarians sa Junior Division at ang Libis Jammers kontra Pilarians sa Senior Division, kung saan tinanghal sina Kelvin Deunida, Cyrus Limson, at Glen Casingal bilang Finals MVP dahil sa kanilang malaking ambag sa tagumpay ng koponan. Ang kanilang tagumpay ay paalala na ang tunay na diwa ng palakasan ay nakikita sa disiplina, pagkakaisa, at pagsisikap tungo sa pag-abot ng pangarap.
SCHOOL SUPPLIES PARA SA MGA ESTUDYANTE, HANDOG NI SK
Hunyo 6, 2026
Naglunsad ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Del Pilar, CSFP ng pamamahagi ng mga school supplies para sa mga mag-aaral mula Baitang 1 hanggang 3, kasabay ng pagbubukas ng klase para sa Taong Panuruan 2026–2027 noong Hunyo 8. Bilang suporta sa pag-aaral ng mga kabataan, nagkaloob ang konseho ng mga kuwaderno, pad paper, lapis, pambura, pantasa, gunting, at krayola upang makatulong sa kanilang paghahanda at maging mas magaan ang kanilang pagbabalik sa silid-aralan. Ipinahayag ng SK Del Pilar ang patuloy nitong dedikasyon sa pagsusulong ng kapakanan ng kabataan sa pamamagitan ng mga programang pang-edukasyon na naglalayong itaguyod ang kanilang pagkatuto at pag-unlad.
PAPYALUNG PYESTA 2026:
BUHAY NA KULTURA, BUHAY NA PAGKAKAISA
Mayo 30, 2026
Nakisaya ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Del Pilar, CSFP sa Papyalung Pyesta 2026 sa Tinajero noong Mayo 30 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pyestang Fernandino, sa pakikipag-ugnayan kina JM Quiambao at Gab Deunida. Tampok sa programa ang Dakpanan Babi, boxing, at iba pang palaro na nagbigay ng kasiyahan at nagpatibay ng samahan ng mga residente ng barangay. Ipinahayag ng SK Del Pilar ang patuloy nitong pagsuporta sa mga gawaing pangkomunidad na nagpapalaganap ng pagkakaisa, aktibong pakikilahok, at pagpapanatili ng mga tradisyong nagbibigay-buhay sa kulturang Fernandino.
CAPCOM JAPAN AT BLUE HAWKS,
PANALO SA DPVT 2026 CHAMPIONSHIP
Mayo 27, 2026
Nanaig ang Capcom Japan at Blue Hawks sa Del Pilar Volleyball Tournament (DPVT) 2026 Championship matapos magwagi sa kani-kanilang dibisyon sa isang serye ng mga kapanapanabik na laban na nagpakita ng galing, tibay ng loob, at pagkakaisa ng bawat koponan. Nakuha ng Capcom Japan ang titulo sa Women's Division matapos talunin ang Blue Eagles, habang inangkin ng Blue Hawks ang korona sa Men's Division sa kanilang panalo laban sa RC Cola Thailand, kung saan kinilala sina Kyrelle Lazaro at Tyron Gomez bilang Finals MVP dahil sa kanilang natatanging pagganap sa liga. Muling ipinamalas ng DPVT 2026 ang kahalagahan ng sportsmanship at pagpupunyagi sa paghubog ng mga atleta at pagpapatibay ng diwa ng palakasan sa Barangay Del Pilar.
ABANGAN...